Mapagkakatiwalaan Ba Ang Bibliya? | English Ang Bibliya ay tinuturing ng ilan na basehan ng lubos n...
Ang Bibliya ay tinuturing ng ilan na basehan ng lubos na katotohanan. (May lubos na katotohanan ba? Tatalakayin natin 'yan sa mga susunod na pagkakataon.) Ayon sa kanila, ang tanging makakapagbigay sa atin ng lubos na kaalaman ay ang tanging banal na salita ng diyos, ang diyos ng Kristiyanismo siyempre. At hindi ayon sa lahat na 30,000 na mga sekta ng Kristiyanismo, kundi ang partikular na sekta lang ng Kristiyanismo na kinabibilangan nila. Ang ibang sekta ay mali.
Kung masasabing tama din ang iba o silang lahat, ano pa pala ang sense ng pagkakahati-hati nila kung parehas pala sila ng pinaniniwalaan at pagkaintindi, 'di ba?
Kung susuriin nating mabuti, may ilang problema ang claim o pahayag na ito.
Una, ang Bibliya na hawak at binabasa nila ngayon na kanilang pinaniniwalaan na naglalaman ng lubos na katotohanan (absolute truth) ay hindi ang siyang mismong orihinal na sulat-kamay ng pinaniniwalaang may-akda. Ang mga kopya ng Bibliya na hawak nila ngayon ay mga kopya na lang ng kopya ng kopya ng kopya ng kopya ng kopya ng orihinal na dokumento na wala na ngayon at wala ng nakakaalam kung nasaan at wala ng nakakaalam kung ano ang eksaktong nakasulat doon. Kaya kung wala na ang orihinal na dokumento na pinagkopyahan ng Bibliya, paano nila mapapatunayan na ang kanilang hawak na kopya ay parehong-pareho sa orihinal?
Ang Bibliya Bilang Axiom?
Talakayin natin ang claim na ito sa "Truth Assignments".
Nasaan kaya ang orihinal? Wala ng nakakaalam. Wala ding nakakaalam ngayon kung anong mga nakasulat sa orihinal, kaya lahat ng mga naniniwala sa Bibliya bilang lubos na katotohanan ay walang paraan para patunayan na ang kanilang paboritong kopya ng Bibliya ay naglalaman ng perpekto at parehong laman ng salita ng diyos sa orihinal. Dito pa lang ay napabulaanan na natin na ang Bibliya ng mga Kristiyanismo ay basehan ng lubos na katotohanan. Pero ipagpatuloy lang natin para sa kuryusidad.
Mayroong mga ilang pinagkopyahan ang mga modernong kopya ng Bibliya ngayon katulad ng Latin Vulgate, Greek manuscripts, at Masoretic texts. Ang mga ito ay madalas na nagkakaiba-iba ang laman, siyempre dahil noong panahon na sinulat ang mga ito, hindi pa uso ang photocopying machines. Kaya ang nangyari, bawat kopya ng mga manuscripts na ito ay ginawa sa pamamagitan ng pagkokopya sa kamay letra-por-letra. Siyempre, andoon ang mga pagkakamali, at minsan pa may mga dagdag-bawas na mga nangyari kaya ang ilan sa mga manuscripts ay may mga pagkakaiba sa ibang manuscripts. Katulad na lang sa Codex Sinaiticus at Codex Vaticanus, na parehos pa may mga corrections na isinulat sa mga pahina ng mga ito. At ang mga ito ay maraming mga pagkakaiba, na may mga salitang mababasa sa isa pero wala sa isa. Sa iba naman, buong pangungusap ang nawawala. Ang ilan naman ay buong chapter. At walang makapagsasabi kong alin ang tama, alin ang may dagdag o may binawas dahil sa nabanggit na, wala ng orihinal para pagbasehan. Kaya iwan ko lang kung paano natatanggap ng mga isipan ng mga naniniwala na naglalaman ng lubos na katotohanan ang Bibliya.
Pangalawa, ang lahat ng kopya ng Bibliya ngayon ay isinalin (translated) lang mula sa mga manuscripts na isinulat sa mga salitang Hebrew, Aramaic, at Koine Greek. Makatwiran bang maniwala na sa mga nangyaring pagsasalin, naisalin ng lubos ang bawat salita at konsepto mula sa pinagsalinang manuscripts na Hebrew, Aramaic, at Greek? Basic na kaalaman sa pagsasalin ay sapat na upang maunawaan na ang imposibleng gawin ito. Sabihin na nating may milagrong nangyari at naisalin ng perpekto ang buong Bibliya mula sa mga antigong manuscripts, bakit may mga libo-libong sekta sa Kristiyanismo na iba-iba ang mga paniniwala? May naniniwalang tao lang si Kristo. May naniniwalang diyos siya. May naniniwalang parehong diyos at tao. may naniniwalang dapat sundin pa rin ang mga batas sa Lumang Tipan, may naniniwala naman na hindi na. At mismong kaalaman tungkol sa diyos mismo, ay hindi sila magkasundo. Mayroong mga grupo na ang pagkaintindi nila ay iisa lang ang diyos, ang diyos Ama. Mayroon namang tatlo daw pero isa lang. Mayroon namang dalawa daw, malaking diyos Ama at maliit na diyos Anak. Lahat ng ito ay nakabase sa iisang libro lang, ang Bibliya. Kung ang Bibliya ay ang siyang pinaniniwalaang naglalaman ng lubos na kaalaman, bakit may libo-libong sekta sa Kristiyanismo na hindi nagkakasundo sa kanilang mga paniniwala sa kung anong mga nakasulat nito?
Pwede nilang sabihin na hindi sa Bibliya ang problema dahil ang Bibliya ay perpekto, kundi ang problema ay nasa tao. Pag-usapan natin ito ng maigi sa ibang post. Sa ngayon, ating balikan ang fact na ang Bibliya mismo ay nagkakaiba-iba. Kaya nga mayroong iba-ibang mga bersiyon ng Bibliya. Ang mga Kristiyano na mismo ang nagsasabi na itong bersiyon ng Bibliya ay mali, itong paborito naman niya ang tama. Ang iba naman ay nagsasabing mali 'yong bersiyon ng Bibliya niya, ang kanilang paboritong bersiyon ang tama. Iwan ko lang kung papaano nila nasasabi kung alin ang tama at alin ang mali dahil wala na nga silang orihinal na maaaring pagbasehan.
Pangatlo, tungkol sa Bagong Tipan o New Testament. Walang sinulat si Jesus Christ ng siya ay nabubuhay pa (kung totoo mang nabuhay siya). At ang mga mga Gospels mismo ay questionablé pa kung sino ang mga may-akda. Ang unang isinulat na dokumento ay ilang dekada at siglo muna pagkatapos namatay umano si Jesus Christ, kaya kung sino man ang sumulat ng mga ito ay hindi mga totoong saksi. Halimbawa nito ay ang tinatawag na Rylands Library Papyrus P52, ay pinaniniwalaang pinakalumang umiiral pa na bahagi ng Bagong Tipan, ay isinulat 100—150CE. Isang daang taon na ang lumipas matapos nangyari ang lahat. At 'wag niyong kalilimutan, wala silang orihinal para mapaghambingan kung tama ba ang kopya o may mali. At ang mga umiiral na mga kopya ay hindi nagkakaparehas at dahil wala ng orihinal, walang paraan upang malaman kung alin ang tama at alin ang mali.
Pang-apat, ang pagpili kung aling mga aklat ang isasama sa Bibliya. Napakadaming mga manuscript ang nag-eexist sa mga panahon na nicompile ang Bibliya sa iisang aklat. Pinili lang isasama at ang hindi isasama. Ang mga aklat na hindi isinama ay silang tinatawag na Apocrypha at New Testament Apocrypha. Paano pinagpapasyahan ng mga pumili kung alin ang kasama sa lubos na katotohanan at alin ang hindi kasama? Paano kung ang mga manuscript pala na hindi nila sinama ay bahagi pala ng salita ng diyos?
Mayroong mga aklat na binanggit at nabanggit sa Bibliya pero hindi bahagi nito. Halimbawa nito ay ang Book of Enoch.
May mga aklat na binanggit sa Bibliya na hindi na matagpuan. Binanggit sa Bibliya pero hindi bahagi ng Bibliya, kaya paano naging lubos na katotohanan ang Bibliya kung kulang pala ito? Halimbawa nito ay ang Book of the Wars of the Lord at Book of Shemaiah the Prophet. Tatalakayin din natin ito sa iba pang pagkakataon.
At panghuli dahil masyado na itong mahaba, sa kanilang hawak na mismo na Bibliya mababasa ang mga kontradiksiyon. Kung ang Bibliya ay may mga kontradiksiyon internally at externally, then hindi na ito masasabi na naglalaman ng lubos na katotohanan. Alam kong paboritong sabihin ng mga Kristiyano na walang kontradiksiyon ang Bibliya at nasa nagbabasa lang daw pero obvious na denial lang sila. Tatalakayin din natin ito sa ibang mga post. May mga kontradiksiyon sa Bibliya.
Halimbawa, ilan ba ang anak ni Abraham? Sa Hebrews 11:17, sinabi na isa lang.
Sa pananampalataya, nang subukin si Abraham, ay inihandog si Isaac: oo, siyang tumanggap na may galak ng mga pangako ay siyang naghandog sa kaniyang bugtong na anak;Pero sa Galatians 4:22, sinabi naman na dalawa.
Sapagka't nasusulat, na si Abraham ay nagkaroon ng dalawang anak, ang isa'y sa aliping babae, at ang isa'y sa babaing malaya.Malinaw naman, sa mga familiar sa basic arithmetic at natural numbers, na ang isa at saka dalawa ay magkaiba, kaya sino mang magpapalusot na hindi kontradiksiyon ang dalawang talata na ito ay malamang hindi marunong magbilang.
Medyo mahaba-haba na ang ating tinalakay kaya hanggang dito na muna. Idudugtong ko dito ang link sa blog post na gagawin ko sa mas detalyadong bersyon nito.
Paalam at huwag kalilimutang manatiling mapang-usisa.