Tugon sa video ni Bro. Eli Soriano na may pamagat na “Analyzing Richard Dawkins’ “What If You're Wrong?” |...
Tugon sa video ni Bro. Eli Soriano na may pamagat na
“Analyzing Richard Dawkins’ “What If You're Wrong?”
Sa pag-analisa ng ministro sa video clip kung saan tinanong si Prof. Richard Dawkins na, "What if you're wrong?", nagkomento si Bro. Eli na hindi daw sinagot ng professor ang tanong at umiwas lang ito. Pero pinanood ko naman ang sagot niya sa mismong video, sinagot at tama naman ang sagot ng professor. ‘Yong tanong kasi na “paano kung mali ka?”, ay walang kabuluhan kung iisipin nating mabuti. Pero sinagot pa rin ito ng maayos at heto ang sipi ng sagot,
Ito ang sagot ni Professor Richard Dawkins,
“...You know what it’s like to not believe in a particular faith because you’re not a Muslim, you’re not a Hindu. What aren’t you a Hindu? Because you happened to have been brought up in America, not in India. If you’re been brought up in India, you’d be a Hindu. If you were brought up in Denmark, in the time of the Vikings, you’d be believing in Wotan and Thor. If you were brought up in classical Greece, you’d be believing in Zeus. If you were brought up in Central Africa, you’d be believing in the Great Juju of the Mountain. There’s no particular reason to pick on the Judeo-Christian God, in which be the sheerest accident you happened to have been brought up, and ask me the question — “What if I’m wrong.” What if you’re wrong about the Great Juju at the bottom of the sea?”
Sa tingin ko, hindi ito naintindihan ni Bro. Eli Soriano. Ang mga Griyego noong mga unang panahon, may kwento din sila tungkol sa kung saan galing ang mga bagay-bagay. Kidlat, kulog, hangin. Bilang Kristyano, hindi ka naniniwala sa kwento nila. What if mali ka? Paano kung totoo pala si Zeus bilang diyos? Ayon naman sa mga Muslim, sila ang tama. Hindi ka naniniwala kay Allah na siyang naglalang sa lahat. What if mali ka at sa pagsasamba mo kay Yahweh o Hesus Kristo ay lalo mo lang siya ginagalit? Paano kung mali ka? Sa impeyerno ng mga Muslim ang paglalagyan mo niyan.
Kahit sino pwedeng gumawa ng kwento kung saan galing ang mundo at ang tao. Halimbawa natin. Paano kung sabihin ko na ako ang gumawa ng sanlibutan at kayong lahat na hindi nagsa-subscribe sa blog at Youtube channel ko ay lulunurin ko sa mantika kapag mga patay na kayo? Sasabihin mo sa akin na hindi ka maniniwala. What if mali ka? Lalangoy kaluluwa mo sa mantika. Sasabihin mo, “wala ka namang ebidensiya na ikaw ang gumawa ng sanlibutan”.
Exactement!
Ang punto ng Professor na hindi naintindihan ni Bro. Eli, lahat tayo ay maaaring magkamali sa mga paniniwala natin. Dahil kahit sino pwedeng gumawa ng kwento. Kaya mas maigi na i-base natin sa ebidensiya ang mga paniniwala natin, imbis na basta na lang maniwala. Dahil para lang tayong mga bata niyan na basta na lang maniwala sa kung anong maririnig nila, na hindi iisipin kong totoo ba o hindi, may pagpapatunay ba o wala.
Dahil lahat ng mga relihiyong may mga Diyos na pinaniniwalaan at sinasamba, hindi nakabase sa ebidensiya, kundi sa mga kwento lang. Ang nangyayari, iba-ibang kwento sa iba-ibang lugar. Kanya-kanyang Diyos, kanya-kanyang paliwanag kung saan galing ang ganito at saan galing ang ganyan. Kung taga-India ka, malamang Hindu ka, dahil may mga sariling kwento din sila, at banal na aklat na mas luma pa kesa Bibliya. Kung nakatira ka sa Pilipinas noong unang panahon, malamang naniniwala ka kay Bathala at galing tayo sa kawayan na biniyak ng butiki imbis na sa alikabok. Naniniwala ka siguro na galing tayo kina Malakas at Maganda imbis na kay Adan at Eba. Kung pinanganak ka sa Gitnang Silangan malamang Muslim ka. Ang mga ito ay hindi nakabase sa realidad o sa ebidensiya. Kung saan ka lumaki, malamang ang kwento sa lugar na 'yon ang paniniwalaan mo. Ang bottomline is, evidence sa halip na kwento.
Sinasabi ni Bro. Eli Soriano na hindi nasagot ng professor ang tanong. Malinaw niyang sinagot. Malamang wala sa isipan ni Bro. Eli ang konsepto ng kahalagahan ng ebidensiya. Subukan ninyong isipin, bakit hindi ka Hindu? Bakit nga ba? Dahil ba sa nakombinsi ka sa nakakalunod na dami ng ebidensiya na ang partikular na diyos ng Kristiyanismo ang tinanggap mo at pinaniniwalaang siyang totoong diyos?
Hindi. Nagkataon lang na ang lipunan na kinalakihan mo ay ang partikular na Diyos ang pinaniniwalaan. ‘Yong pinaniniwalaan ng mga magulang mo ay siya din ang pinaniwalaan ng mga ninuno nila at ng mga ninuno pa nila. ‘Yong mga sinauang mga ninuno nila, bakit nila pinaniwalaan ang diyos na sinamba nila? Dahil ba sa nangingibabaw na ebidensiya na totoo itong partikular na diyos? Hindi. Sinakop tayo ng mga Kastila at sila ang nagbigay sa atin ng Bibliya para tayo madaling pamahalaan. Hindi dahil sa may naging talakayan sila tungkol sa Bibliya at pinakitang demonstrasyon na may Diyos. Hindi dahil sa may ebidensiya o kahit anong patunay na mayroong diyos o patunay na totoong diyos na si Yahweh o Hesu-Kristo kaya tayo naniniwala sa diyos na sinasamba natin ngayon. Kundi sa paraang walang kahit ano mang may kinalaman sa katotohanan. Si Bro. Eli naniniwala sa diyos ng Bibliya hindi dahil sa may mga expiremento at pagsubok na isinagawa ang tao at napatunayan na totoo ito. Naniwala siya dahil ‘yon ang nakasulat sa Bibliya. At kung babakasin natin kung saan galing ang Bibliya, hindi tayo makakarating sa ebidensiya. Kundi sa mga kwento. Mga kwento na pinaniniwalaan ng mga sinaunang tao. Kung tatanungin natin ang mga tao katulad ni Bro. Eli kung anong patunay nila sa pinaniniwalaan nilang Diyos, huhugot sila ng Bibliya, sabay sasabihin na dahil ito ang nakasaad sa Bibliya. Dahil sinabi ng Bibliya na may Diyos. At kung tatanungin naman kung bakit sila naniniwala sa Bibliya, guess what? Ang sagot nila ay dahil ito ay salita ng Diyos. Ito ang tinatawag na circular reasoning. Ito ay maling pangangatwiran kung saan ang katibayan mo ay siya ring bagay na pinapatunayan mo.
Ang buong punto sa sagot ng professor Richard Dawkins ay walang saysay ang tanong na “Paano kung mali ka?” dahil ang puno’t dulo ng mga paniniwala ng nagtanong at ng ibang relihiyon ay hindi nakabase sa sumusuportang katibayan. Basta naniniwala lang, ‘yon na. Naniniwala si Bro. Eli sa Bibliya, kaya siya naniniwala na may Diyos. Bakit siya naniniwala sa Bibliya? Dahil salita ito ay Diyos. Bakit siya naniniwala na may Diyos? Dahil ito ay sabi ng Bibliya. Bakit siya naniniwala sa Bibliya? Dahil ito ay salita ng Diyos. Paikot-ikot lang. Tapos kung hindi ka naniniwala dahil hindi makatwiran, tatanungin ka, “What if you’re wrong?” Para lang isang bata na nagkwento na may kaibigan siyang duwende. Bilang matanda, hindi ka maniniwala. Pero paano kung mali ka?
Kahit sino pwedeng gumawa ng kwento tungkol sa kahit anong bagay na maiisip natin. Ang pagkakapareho ng libo-libong mga relihiyon at paniniwala ng mga tao sa buong mundo ay nakabase lang sila sa kwento.
Paano natin nalalaman kung totoo ba o hindi ang isang kwento o pahayag?
Kahit sino maaring magkamali (kasama ang Diyos ni Bro. Eli kahit hindi pa naman ito napapatunayang totoo. Pero base sa Bibliya, ang pinagmulan ng kwento tungkol sa diyos ni Bro. Eli, nagkakamali ang Diyos). Kaya ang tao gumawa ng kasangkapan o proseso upang maibsan ang mga mali niyang akala at pag-iisip. Mga sistema at prosesong magtutuwid sa pananaw natin sa mundo. Halimbawa nito ay ang sistema ng lohika.
Isa pang madalas gamitin na sistema ng tao ay ang prosesong solido dahil mabisa ito at ito ang mga hakbang:
- Ang pagkakalap ng mga data at mga impormasyong mapapatunayan sa pamamagitan ng obserbasyon.
- Pagbalangkas ng data sa loob ng isang makatuwirang deskriptibong modelo ng realidad, 'yong hindi nahahaluan o nakabase sa kung anong emosyon.
- Pagsasagawa ng mga pagpapasya at aksyon basi sa nagawang modelo.
Ang proseso na ito ay siyang ginagamit ng tao kaya may mga kaalaman tayo sa mga tanong tungkol sa kalikasan na dati sinasagot natin sa pamamagitan ng pag-imbento ng mga diyos at anito. Gamit ang proseso na ito, may mga nabalangkas tayong mga modelo tungkol sa kapaligiran na siyang ginagamit natin upang paliparin at palutangin ang mga bakal, gumawa ng mga gusali at magamot ang karamihang mga sakit. Ang proseso na ito ay kilala sa tawag na “siyensiya”.
Walang matinong paraan o proseso ang sino mang tao kagaya ni Bro. Eli Soriano upang masabi na mali ang ibang paniniwala. Ang tanging magagamit lang niya ay ang kanyang Bibliya. Kung may aklat siya bilang batayan kung ano ang totoo at ano ang hindi, may mga aklat din naman ang ibang relihiyon. Sinasabi niyang hindi totoong diyos ang Dakilang Juju ng Bukirin, paano kung mali siya? Sinasabi niyang mali ang paniniwalang diyos sina Thor. Paano niya nasabi? Kung aklat lang basehan ni Bro. Eli, may mga aklat din ang mga Scandinavians. Malinaw na hindi matino ang argumento ni Bro. Eli dahil ang argumento niya ay maaari ding gamitin ng ibang relihiyon. Halimbawa, sa Islam, sasabihin nila sa kanya na mali ang diyos niyang si Kristo dahil isa lamang siyang hamak na propeta at ginawang diyos-diyosan. Gayon din ang iba pang relihiyon. Dahil kung may aklat si Bro. Eli, may mga aklat din ang ibang relihiyon. Kung sila ang tatanungin, si Bro, Eli ang mali. Kung si Bro. Soriano naman ang magsasalita, sila ang mali. At walang nakakalamang sa kanila dahil parehas lang ang bilang ng ebidensiya mayroon sila. Wala.
Mapapatunayan ba ni Bro. Eli na hindi mga totoong diyos sina Diana at Adonis? Hindi. Dahil ang paraan lang na alam niya para niya magawa ito ay basahin ang kanyang paboritong aklat. Sa ganong paraan, mapapatunayan din nga mga Hindu na hindi totoong Diyos ang sinasamba ni Bro. Eli, sa pamamagitan din ng pagbasa ng paborito nilang aklat. Ganon din ang mga Muslim, papatunayan nilang mali ang diyos ni Bro. Eli ng mga Hindu gamit ang sarili nilang Qur’an. Ibig sabihin, parehas lang ang katibayan nila. Papaano natin ngayon malalaman na mali sila at tama si Bro. Eli? Paano kung mali siya?
Hindi matinong paraan ang pag-iimbestiga ng paniniwala natin sa pamamagitan ng pagbabasa ng Bibliya gaya ng hindi matinong paraan ng pag-iimbestiga kung totoo ba si Harry Potter sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga nobelang Harry Potter. Sa ngayon siguro naunawaan na natin na hindi natin pwedeng gawing ebidensiya ang paborito natin aklat, dahil ang ibang relihiyon ay may mga paboritong aklat din.
Kaya uulitin ko, malinaw ang sagot ng professor: Walang partikular na dahilan para piliin ni Bro. Eli Soriano mula sa sangkatutak na mga diyos na ginawa ng mga sinaunang tao ang sinasamba niyang Diyos.
Magkikita ulit tayo sa susunod na sulat ko. ‘Wag tumigil sa pag-usisa at tanungin ang lahat ng bagay.